Isang shipyard ang pinatawan ng multa matapos magkasakit ang isang welder dahil sa carbon monoxide (CO) poisoning habang nagtatrabaho sa isang confined space sa barko habang nasa drydock. Nagpatuloy ang welder sa pagputol ng metal sa loob ng 40 minuto, hindi namamalayan na tumutunog na pala ang kanyang gas monitor bilang babala.
Ayon sa ulat ng insidente, nag-activate ang alarma dalawang minuto pa lang matapos simulan ng manggagawa ang arc gouging, isang welding process na gumagamit ng carbon electrode, kuryente, at compressed air para pumutol ng metal. Ang alarma na ito sana ay senyales para agad lumikas, ngunit hindi ito narinig ng welder at nagpatuloy sa pagtatrabaho hanggang sa sumama ang kaniyang pakiramdam at kusang lumabas ng espasyo.
Ayon din sa ulat, dapat sana ay nakasuot ang welder ng full-face respirator na may sariling air supply. Gayunpaman, sira ang respirator nito, kaya’t gumamit siya ng half-face respirator na hindi nakapagbigay ng proteksyon laban sa CO.
Bukod pa dito, ang taong nakatalaga upang bantayan ang welder ay hindi maayos na na-train at wala sa entrance ng confined space sa loob ng hindi bababa sa 40 minuto. Nang lumabas na sa wakas ang welder, napansin ng isa pang manggagawa ang kanyang kondisyon at agad na itinaas ang alarma. Dinala ng mga paramedic ang welder sa ospital, at siya naman ay ganap ng gumaling.
Ang ulat na ito ay naglalahad ng ilang malubhang paglabag sa kaligtasan na maaaring mauwi sa trahedya, lalo na sa challenging environment ng isang shipyard o sa panahon ng pagkukumpuni ng barko. Binibigyang-diin nito ang kahalagahan ng malinaw na paghahati ng responsibilidad sa pagitan ng crew ng barko at ng mga kontratista ng shipyard.
Ang dry docks ay kabilang sa mga pinakadelikadong lugar ng trabaho para sa mga seafarer at shore workers. Dahil sa dami ng sabay-sabay na gawain at kakulangan ng kwalipikadong tauhan, madalas na may pressure na matapos agad ang trabaho. Maraming shipyard ang umaasa sa mga kontratista at pansamantalang manggagawa. Dahil dito, may responsibilidad ang pamunuan ng shipyard na tiyaking ang mga kontratista ay may sapat na kasanayan at kaalaman upang ligtas na maisagawa ang kanilang mga gawain ng ligtas, at sila ay maayos na nababantayan upang matiyak na sumusunod sila sa dokumentadong safe systems ng trabaho.
Sa pangkalahatan, ang kapitan ng barko ang responsable para sa kaligtasan ng barko, ng mga crew nito, at ng sinumang nasa loob ng barko, kabilang na ang mga manggagawa ng shipyard at kontratista. Tungkulin din ng kapitan na tiyakin na ang lahat ng lugar ng trabaho ay ligtas, tipikal na sa pamamagitan ng Permit to Work system. Samantala, dapat tiyakin ng shipyard na ang kanilang mga manggagawa ay may maayos na training at may kakayahang ligtas na maisagawa ang kanilang mga gawain, gamit ang risk assessments at inspeksyon upang mapanatili ang mataas na pamantayan ng kaligtasan. Ang pagtatalaga ng welding sentries at iba pang safety personnel ay karaniwang napagkakasunduan sa mga pormal na pagpupulong sa pagitan ng barko at ng shipyard maliban na lamang kung ito ay nakasaad na sa kontrata. Inirerekomenda ng CHIRP na ang mga dokumento ng company SMS ay suriin at i-update sa drydock safety management upang matiyak na kasama ang lahat ng posibleng matukoy na mga panganib para sa mga tripulante at manggagawa ng shipyard.
Sa insidenteng ito, ang lugar ay isang confined space at hindi isang “enclosed space” (tingnan ang mga depinisyon sa ibaba). Hindi ito na-assess nang maayos ng shipyard para sa mga panganib na maaaring lumabas mula sa nilalayong gawain. Nabigo ang kumpanya sa mga sumusunod: na bantayan ang lugar habang nasa loob ang manggagawa, magtalaga ng isang na-train na welding sentry, at magbigay ng angkop naprotective equipment para sa welder.
Enclosed Space – Tinutukoy bilang isang lugar na may limitadong daanan para sa pagpasok o paglabas, kulang sa bentilasyon, at hindi dinisenyo para sa regular na occupancy.
Confined space – Tinutukoy bilang isang lugar na may sapat na laki para makapasok at makapagtrabaho ang isang manggagawa, na may limitado o restricted na papasok o paglabas, at hindi dinisenyo para sa tuloy-tuloy na occupancy.
Nangangailangan ng malinaw na komunikasyon ang mga confined space permit sa pagitan ng mga manggagawa sa loob at isang safety person sa labas, kadalasan sa pamamagitan ng mga radyo o visual signal. Gayunpaman, ang mga pamamaraang ito ay wala sa panahon ng insidenteng ito, na nagpapalala sa sitwasyon.
Kultura – Dapat tiyakin ng mga shipyard na mayroong tamang kagamitan para sa ligtas na paggamit at magbigay ng angkop na mga training programs, lalo na para sa kaligtasan sa drydock. Sa kadahilanang ang trabaho sa drydock ay isa sa mga may pinaka-mapanganib na kapaligiran, ang kakulangan sa pagsasanay at mga may karanasang tauhan ay isang seryosong pagkukulang.
Kakayahan – Bagama’t may mga safety team ang shipyards, madalas silang sobra sa trabaho at kulang sa tauhan. Dahil dito, kinakailangan ang dagdag na pagbabantay ng crew ng barko sa pagpapatupad ng mga safety measures, lalo na sa drydock o repair dock. Ang welder at ang standby crew ay parehong kulang sa sapat na pagsasanay. Ang mga safety protocol ay nagtatakda na ang mga ganitong gawain ay dapat lamang gampanan ng mga may karanasan at na-train na mga tauhan. Bukod dito, ang gawain ay isinagawa nang walang tamang personal protective equipment (PPE), na nagpapakita ng kakulangan sa kaalaman sa operasyon. Ang paggamit ng maling half-face respirator ay higit pang nagpapatibay sa kakulangang ito.
Pressure – Kadalasang may pila ng mga barkong naghihintay ang drydocks, na nagdudulot ng matinding pressure na agad na matapos ang trabaho. Napakahalaga ng epektibong pamamahala at maingat na pang-araw-araw na pagpaplano upang matiyak na ang lahat ng gawain ay maayos na na-assess para sa mga safety risks. May mga kagamitan ba ang inyong kumpanya upang matiyak na ang trabaho ay ligtas na isinasagawa sa ganitong klase ng mga pressures?
Komunikasyon – Nagkaroon ng kritikal na pagkukulang sa komunikasyon sa pagitan ng welder at ng standby person na nakatalaga upang magbantay ng trabaho at ng kondisyon ng hangin sa confined space. Ang kakulangan sa komunikasyong ito ay lalong naglagay sa manggagawa sa panganib.
Teamwork – Hindi naging sapat ang teamwork sa sitwasyong ito. Iniwan ng standby crew member ang kaniyang puwesto nang higit sa 40 minuto, na malinaw na nagpapakita ng kawalan ng kaalaman sa mga panganib. Napakahalaga ng tamang teamwork upang matiyak ang kaligtasan sa mga high-risk environments tulad ng drydock.